-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY –  Nagreklamo ang ilang residente sa Sitio Cogonal, Barangay Topland, Koronadal City dahil sa higit walong (8) buwan nang patuloy na paghuhukay sa isang pribadong lote para umano sa hinahanap na “Golden Buddha o Gold bars”.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay  Alyas Minang,  tinatakpan umano ng trapal ang lugar at ipinagbabawal na manood ang mga kapitbahay. 

Nag-aalala rin sila na baka biglang gumuho ang hukay at madamay ang kanilang mga bahay, ngunit takot silang magsampa ng pormal na reklamo.

Sa isinagawang beripikasyon, natuklasan ng City Environment and Natural Resources Office (ENRO) sa pangunguna ni Augustus Bretaña na ilang buwan nang nagpapatuloy ang operasyon ng treasure hunting sa nasabing lugar. 

Tinatayang nasa 15 hanggang 20 metro ang lawak ng lote, at ang mismong may-ari umano ng lupa ang nagpasimuno ng paghuhukay.

Ipinaliwanag ni Bretaña na legal lamang ang treasure hunting kung may kumpletong permit at clearance mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at iba pang ahensya. 

Kung mapatunayang walang kaukulang dokumento, maaaring magsagawa ng inspeksyon ang MGB-12, NCCA, at City ENRO, at maaring patawan ng parusang multa o pagkakakulong nang hindi bababa sa 10 taon, o pareho.

Dagdag pa ng opisyal, posibleng masampahan din ng criminal o administrative case ang mga opisyal na sangkot sa operasyon, kabilang umano ang ilang barangay officials, depende sa antas ng kanilang partisipasyon. 

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang legalidad at kaligtasan ng naturang paghuhukay.