KORONADAL CITY – Makikiisa ang iba’t ibang progresibong grupo mula Koronadal City sa isasagawang kilos-protesta ng Citizens Rage against Corruption for Accountability bukas, alas-tres ng hapon sa Orcollo Park, Davao City. Ang pagkilos ay kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 21 sa ilalim ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Ms. Lexi Acosta, human rights advocate at environmental activist, na panahon nang magbitiw sa puwesto ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Aniya, lubhang naapektuhan ang mga mahihirap na Pilipino dahil sa malawakang korapsyon na sumisira sa kaban ng bayan na mula sa pinaghirapang buwis ng taumbayan.
Tinatayang mahigit 200 katao ang makikilahok sa naturang rally, karamihan ay kabataan, ngunit bukas ito sa lahat ng edad. Nakasuot ng itim ang mga raliyista bilang simbolo ng pagluluksa at pagkondena sa katiwalian, may bitbit na mga placards, at isang malaking banner na may larawan ng buwaya bilang sagisag ng mga corrupt na opisyal.
Bukod sa mga talumpati ng mga lider, tampok din ang cultural performances at food sharing para sa lahat ng kalahok.
Nilinaw rin ni Acosta na hiwalay ang kanilang kilos-protesta sa isasagawang pagtitipon ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao bukas.
Samantala, kahapon ay nagsagawa rin ng student protest laban sa korapsyon sa General Santos City, habang sa susunod na linggo naman ay nakatakdang isagawa ang kahalintulad na kilos-protesta sa South Cotabato upang ipagpatuloy ang panawagan na wakasan ang talamak na korapsyon sa bansa.