CEBU CITY — Lumutang ang umano’y matagal nang mga paglabag sa operasyon ng Binaliw sanitary landfill sa Cebu City matapos ang naganap na landslide na ikinasawi ng 12 katao noong nakaraang linggo.
Ayon kay Mr. Augustus Bretania ng Koronadal City Environment and Natural Resources Office (ENRO), sa isang panayam sa Bombo Radyo Koronadal, malinaw na may mga naunang paglabag ang nasabing landfill ngunit wala umanong mahigpit na pagpapatupad ng mga parusa laban sa mga pinayagang mag-operate nito.
Isa sa mga pangunahing paglabag na binanggit ni Bretania ay ang improper hauling o maling pagtatambak ng basura sa mga lugar na itinuturing na lubhang delikado, lalo na para sa mga residenteng naninirahan malapit sa landfill.
Dagdag pa niya, nakapagtataka umanong patuloy ang operasyon ng landfill sa kabila ng malinaw na mga paglabag na naitala laban dito.
Samantala, idineklara na ng Cebu City Council ang lungsod sa ilalim ng state of calamity kasunod ng pagguho ng tambak ng basura sa Binaliw landfill.
Layunin ng deklarasyon na mapabilis ang emergency response, recovery operations, at ang pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng trahedya.
Bilang bahagi ng agarang tugon, inaprubahan ng Konseho ang pagpapalabas ng P30 milyon mula sa quick response fund ng lungsod na gagamitin para sa garbage disposal services.
Bukod dito, idineklara rin ng Cebu City Council ang Enero 16 bilang Day of Mourning upang gunitain at parangalan ang mga nasawi sa trahedya sa landfill.
Patuloy pa rin ang panawagan ng publiko para sa masusing imbestigasyon at pananagutin ang mga may kinalaman sa insidente upang maiwasan ang kahalintulad na sakuna sa hinaharap.













