Nasa mabuting kalagayan na ang mga menor de edad na nasagip ng pulisya (PNP) matapos madiskubre ang isang kaso ng online sexual exploitation of children sa Barangay Liliongan, Carmen, North Cotabato.
Ayon sa pulisya, naaresto ang isang lalaki na umano’y gumagamit ng tatlong babaeng menor de edad at limang batang lubhang nanganganib habang inaabuso online.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng entrapment rescue at Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data ng pinagsanib na puwersa ng Women and Children Protection Center–Mindanao Field Unit, Carmen Police, Provincial Intelligence Unit, North Cotabato PPO, Regional Anti-Cybercrime Unit 12, MSWDO–Carmen, Project Rescue Children, at iba pang ahensiya, kasama ang Department of Justice at International Justice Mission.
Agad na dinala sa Municipal Social Welfare and Development Office ang mga batang nasagip para sa assessment at tulong, habang ang suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at patuloy na iniimbestigahan.
Kaugany nito, ipinasiguro ng pulisya na hindi papayagang lumusot ang sinumang sangkot sa krimeng may kinalaman sa pang-aabuso sa bata, lalo na sa online.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at agad ireport ang anumang uri ng pang-aabuso laban sa mga bata.













