-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Nagdeklara ng suspensyon ng face-to-face classes ngayong araw, Oktubre 13, 2025, ang ilang local government units (LGUs) sa South Cotabato kasunod ng malalakas na lindol na may magnitude 7.4 at 6.8 na yumanig sa malaking bahagi ng Mindanao noong nakaraang Biyernes.

Ayon sa mga LGU ng Norala, Tantangan, at Polomolok, pansamantalang ipinahinto ang mga klase sa mga paaralan upang bigyang-daan ang isinasagawang structural at safety assessments ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at mga school Disaster Risk Reduction Coordinators.

Layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro bago ipagpatuloy ang in-person learning.

Habang isinasagawa ang mga inspeksyon, hinikayat ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng online asynchronous classes upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga estudyante.

Samantala, naglabas din ng abiso ang City Government of Koronadal sa mga government at private establishments na magsagawa ng kani-kanilang structural integrity assessment sa mga gusali at isumite ang accomplishment report sa kanilang tanggapan.

Ayon kay Engr. Charlie Laput, hepe ng Office of the Building Official (OBO) ng Koronadal, wala namang naitalang major damages sa mga gusali sa lungsod, subalit patuloy pa rin ang kanilang monitoring upang matiyak na ligtas ang lahat ng estruktura.

Samantala, nanawagan si Jorie Mae Balmediano, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense (OCD) Region XII, na dapat seryosohin ng mga paaralan at komunidad ang pagsasagawa ng earthquake drills upang maging handa sa posibleng pagyanig sa hinaharap.

Nagpaalala rin siya sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang insidente sa oras ng kalamidad.