KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang mga pinaniniwalaang kawatan kabilang ang menor de edad matapos ang matagumpay na operasyon kung saan naaresto ng mga operatiba ng Koronadal City Police Station (KCPS).
Ayon sa ulat, sangkot sa serye ng mga pagnanakaw sa lungsod ang mga nahuling kawatan Sa pamamagitan ng mabilis na aksyon at masusing imbestigasyon ng kapulisan, muling napatunayan na ang krimen ay tiyak na may kaparusahan! Nadakip ang mga suspek sa loob ng public cemetery ng lungsod na pinaniniwalaang kanilang ginagawang hideout.
Sa operasyon, narekober mula sa mga ito ang isang Acer laptop na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱30,000, at tatlong cellphone na tinatayang nagkakahalaga rin ng ₱30,000. Bukod dito, nakuhaan din ng hinihinalang shabu ang mga suspek, na nagdulot ng karagdagang kasong isasampa laban sa kanila.
Ayon kay PLTCOL PETER L. PINALGAN JR., Hepe ng Koronadal City Police Station, “Walang lugar sa ating lungsod ang mga kawatan at iba’t ibang uri ng kriminal. Not on my watch! Talagang may paglalagyan kayo!” Mas pinaigting na ngayon ng Koronadal CPS ang pagpapatupad ng mga checkpoint, foot at mobile patrol, at iba pang agresibong operasyon laban sa mga kriminal upang matiyak na mananatiling ligtas at mapayapa ang lungsod ng Koronadal.
Hinikayat ng kapulisan ang lahat ng naging biktima ng pagnanakaw na magsampa ng nararapat na kaso laban sa mga suspek upang tuluyan silang mapanagot.
Patuloy din ang malalimang imbestigasyon ng Koronadal CPS upang matukoy kung ang mga naaresto ay may iba pang kasong kinasasangkutan. Hinihikayat ng Koronadal City Police Station ang publiko na maging mapagmatyag at agad magsumbong ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa aming himpilan.













