Matapos masangkot sa insidente ng ilegal na drag racing at mapanirang “Superman” stunts gamit ang motorsiklo, sumuko na sa tanggapan ni Kidapawan City Mayor Jose Paolo “Pao” Evangelista ang ilang kabataang naaktuhang lumabag sa batas.
Apat sa mga menor de edad na nakuhanan sa CCTV habang nagsasagawa ng mapanganib at ipinagbabawal na karera sa kalsada ang unang nagtungo sa alkalde upang personal na humingi ng paumanhin at harapin ang kanilang pananagutan. Kinilala ang ilan sa mga sangkot na sina Arries OK, Aga de Guzman, Jay Labrador, Kent Ayco, Andie Pagaran, at Xyrill Jay, na una nang boluntaryong nagpakita sa pamahalaang lokal.
Ayon kay Mayor Evangelista, bahagi ito ng kanyang kampanya laban sa mga aktibidad na naglalagay sa panganib hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa iba pang mga motorista at sibilyan sa lungsod. Bilang tugon sa ulat ng publiko at ebidensiyang mula sa CCTV footage, nag-alok ang alkalde ng P50,000 pabuya para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makakapagdala sa mga nasasangkot pati na rin ang kanilang mga motorsiklo sa city hall.
Nanawagan rin si Mayor Evangelista sa mga magulang at kabataan na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa lungsod, lalo na sa mga lansangang pampubliko. Aniya, ang pagdisiplina sa kabataan ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng bawat pamilya at komunidad.