KORONADAL CITY – Nagsagawa ng protesta ngayong gabi ang mga estudyante ng Notre Dame of Marbel University (NDMU) at ilang indibidwal sa lungsod ng Koronadal bilang pagpapakita ng kanilang pagkadismaya at pagkondena sa lumalalang korapsyon sa bansa.
Nagsimula ang protesta bandang alas-6 ng gabi sa Alunan Avenue, sa harap ng South Cotabato Sports Complex na pinangunahan ng grupo ni Ms Lexie Acosta, mga human rights advocates .
Hang sa panayam kay Mr. Ivan Ray Amadio, Political Science Instructor ng NDMU, sinabi nito na boluntaryo ang pakikilahok ng mga estudyante upang ipakita ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng maayos at mapayapang pamamaraan.
Sa halip na kanilang school uniform, nagsuot ang mga estudyante itim na damit bilang simbolo ng kanilang pagtutol sa katiwalian.
Nagtayo rin sila ng “Freedom Wall” kung saan maaaring ipahayag ang kanilang mensahe at hinaing sa gobyerno.
Kasunod nito, ginanap ang candlelighting ceremony bandang alas-6:30 ng gabi bilang simbolo ng kanilang pangungulila at pagtutol sa kawalan ng integridad sa pamahalaan.
Inaashang dumalo rin sa nasabing protesta ang iba’t ibang sektor ng lipunan bilang suporta sa panawagan ng kabataan at mga mamamayan laban sa korapsyon.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang aktibidad sa mapayapang paraan bilang pagpapakita ng galit at pagkadismaya sa malakawang korupsiyon sa gobyerno lalo na sa mga flood control projects.