Muling pinatunayan ng militar ang kahalagahan ng kooperasyon ng mamamayan matapos mahukay ang iba’t ibang uri ng kagamitang pandigma sa Sitio Kimondo, Barangay Lagandang, Isulan, Sultan Kudarat noong Hulyo 28, 2025.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Tristan Rey P. Vallescas, Commanding Officer ng 7th Infantry (Tapat) Battalion, isang miyembro ng isang peace-inclined group ang nagbigay ng impormasyon kaugnay sa presensya ng mga armas sa lugar. Agad na nagsagawa ng clearing operation ang tropa ng 7IB upang beripikahin ang ulat.
Sa operasyon, tumambad sa tropa ang mga nakatagong armas na isinilid sa mga sako at tinabunan ng mga bato upang itago. Kabilang sa mga nakumpiska ang sumusunod:
- Dalawang (2) improvised Caliber .50 rifles
- Isang (1) improvised M79 grenade launcher
- Tatlong (3) improvised Rocket Propelled Grenade (RPG) launchers
Agad itong dinala sa himpilan ng 7IB para sa dokumentasyon at imbentaryo.
Ayon kay Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Persuader Brigade, ang nasabat na mga armas ay isang malaking tagumpay para sa seguridad ng rehiyon.
Samantala, sinabi ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na patuloy ang kampanya ng militar laban sa mga ilegal na armas sa rehiyon.
Nanawagan din si Gumiran sa mga indibidwal na nagtatago pa rin ng mga ilegal na armas na kusang-loob na itong isuko upang makaiwas sa pananagutan at makatulong sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Central at South-Central Mindanao.