KORONADAL CITY – Narating na ng Medical Team ng Lalawigan ng South Cotabato ang mga pinakaapektadong lugar o ground zero sa Bogo City, Medellin, at Daanbantayan, Cebu, kung saan matagumpay nilang naihatid ang medikal na tulong at mahigit isang libong relief packs para sa mga residenteng tinamaan ng 6.9 magnitude na lindol.
Ito ang kinumpirma ni PDRRMO Chief Rolly Doane Aquino sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Aquino, aabot sa 500 food packs, 500 hygiene kits, at 100 kitchen kits na lulan ng dalawang dump truck ng Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato ang kanilang ipinamahagi sa tatlong bayan ng Cebu na matinding nasalanta ng lindol.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng humanitarian aid mission ng Lalawigan ng South Cotabato para sa mga mamamayan ng Cebu, sa pangunguna ni Governor at PFP National President Reynaldo S. Tamayo Jr., katuwang ang Provincial Medical Team at ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamumuno ni Aquino.
Matagumpay rin ang isinagawang medical mission, kung saan daan-daang residente ang nabigyan ng agarang atensyong medikal at nararapat na lunas. Lubos naman ang pasasalamat ng mga residenteng nakatanggap ng relief assistance packs na naglalaman ng pagkain, hygiene kits, at kitchen essentials, na mula mismo sa mga mamamayan ng South Cotabato.
Sa pamamagitan ng misyon na ito, muling pinatunayan ng South Cotabato ang kanilang kahandaan at malasakit sa pagtugon sa mga kalamidad, lalo na sa pagbibigay ng serbisyong medikal at disaster response support sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Cebu.
Nagpahayag rin ng pasasalamat si Rolly Doane Aquino, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng South Cotabato, sa mga nurses, doktor, at iba pang sektor na nakiisa at tumulong upang maiparating ang tulong sa mga apektadong residente.