Ligtas na nakauwi sa Sultan Kudarat ang isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na kamakailan lamang na-repatriate mula sa Middle East matapos makitaan ng malubhang kondisyon sa kalusugan.
Ang nasabing OFW, na residente ng bayan ng Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, ay sinalubong at agad na binigyan ng medikal na atensyon ng OWWA Regional Welfare Office XII sa kanyang pagdating sa General Santos City Airport.
Ayon sa ulat ng OWWA-12, may iniinda itong seryosong karamdaman na nangangailangan ng agarang gamutan at tuluy-tuloy na pangangalaga.
Kaakibat ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Senator Ninoy Aquino, mabilis na umaksyon ang OWWA Airport Assistance Team upang masigurong maayos ang pagtanggap at pag-aasikaso sa naturang OFW.
Isinagawa ang paunang medikal na assessment sa mismong paliparan bago ito inihatid pauwi.
Buong pusong pasasalamat ang ipinaabot ng OFW at ng kanyang pamilya sa maagap at malasakit na pagtugon ng OWWA-12 at ng mga katuwang na ahensya.
Muling pinaalalahanan ng OWWA-12 ang lahat ng OFW sa Region 12 na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang tanggapan, lalo na sa mga panahon ng krisis o problemang pangkalusugan.