-- ADVERTISEMENT --

Ipinagmalaki ni General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao ang matagumpay na pagbubukas ng Batang Pinoy 2025 National Championships na ginanap sa Antonio C. Acharon Sports Complex sa lungsod.

Sa isang exclusive interview ng Bombo Radyo, sinabi ng alkalde na naging madinálag-on o matagumpay ang opening ceremony dahil sa masiglang partisipasyon ng mga atleta, coaches, at delegado mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ayon kay Mayor Pacquiao, ang nasabing kaganapan ay patunay ng pagkakaisa at determinasyon ng mga kabataang Pilipino na maabot ang tagumpay sa larangan ng palakasan.

Dagdag pa niya, labis siyang nagpapasalamat sa Philippine Sports Commission (PSC) at sa lahat ng organizers, volunteers, at lokal na ahensya na nagtaguyod ng maayos at ligtas na pagsisimula ng pambansang paligsahan.

Nang tanungin kung ano ang kanyang inaasahan sa huling araw ng kompetisyon, sinabi ng alkalde na umaasa siyang magiging makabuluhan, patas, at inspirasyonal ang bawat laban hanggang sa pagtatapos ng Batang Pinoy 2025.

Ayon pa kay Mayor Pacquiao, “Hindi lamang panalo ang sukatan ng tagumpay. Ang tunay na layunin ng Batang Pinoy ay hubugin ang disiplina, pagkakaibigan, at determinasyon ng kabataang atleta.”