Dapat lang may managot at makasuhan!
Ito ang inihayag ni Mayor Eliordo Ogena ng Lungsod ng Koronadal kaugnay sa mga inilantad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address o SONA, kung saan binanggit ng Pangulo ang mga palpak na flood control projects na gumuho, at ang ilan ay tila guni-guni lamang o ghost projects.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Ogena, matagal nang alam ng taumbayan na may malalim na katiwalian sa likod ng mga proyektong ito.
Mariin din niyang kinondena ang mga nasa likod ng mga kwestyunableng proyekto na aniya ay hindi lang pondo ng bayan ang ninanakaw, kundi maging ang kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat matagal na umanong ipinag-utos ng pangulo na magsagawa ng masusing audit at performance review sa lahat ng malalaking proyekto ng gobyerno, partikular na sa imprastruktura at ipaalam sa publiko.
Maliban dito, suportado din ni Mayor Ogena ang sinabi ni Pangulong Marcos na di siya papayag na aprubahan ang anumang budget na hindi nakatuon sa plano para sa kabuuang kapakanan ng mamamayan.
Samantala, hinimok naman ng alkalde ang lahat na maging mapanuri sa mga ipinapatupad na proyekto ngn gobyerno.