Nagpahayag si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte hinggil sa ulat na may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa talumpati niya sa “Rage Coalition” event sa Mindanao noong Sabado, Mayo 23, sinabi ng alkalde na nalulungkot siya sa posibilidad na maaresto si dela Rosa at dalhin sa The Hague, ngunit pabiro rin niyang sinabi na may “magandang aspeto” ito.
“Medyo nalungkot ako… pero sa totoo lang, medyo masaya rin kasi may kasama na ‘yung tatay ko doon kung sakali. Bad joke ‘yon,” ani Duterte.
Si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ay isa sa mga pangunahing personalidad na nakaugnay sa kontrobersyal na kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa parehong pagtitipon, binatikos din ni Mayor Duterte ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na hindi siya interesado sa pakikipagtulungan sa pamahalaan.
Ayon sa kanya, lumalala umano ang kalagayan ng bansa at tila pinupuntirya ang mga kritiko ng gobyerno.
Matatandaang naging magka-alyado sa pulitika ang mga Duterte at Marcos noong 2022 elections, ngunit kalaunan ay nagkaroon ng hidwaan dahil sa mga isyung pampulitika sa pagitan ng dalawang kampo.













