-- ADVERTISEMENT --

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang tuloy-tuloy na strombolian activity at maikling lava fountaining sa Bulkang Mayon kaninang umaga, Marso 16, 2026.

Ayon sa PHIVOLCS, nagsimula ang aktibidad bandang alas-3:32 ng madaling araw at tumagal hanggang 7:10 ng umaga. Ang strombolian activity ay isang mild-to-moderate explosive eruption kung saan sunod-sunod na ibinubuga ng bulkan ang nagbabagang lava, makakapal na usok, at iba pang volcanic materials.

Batay sa tala ng ahensya, ito na ang ika-70 araw ng patuloy na pag-aalburuto ng Mayon mula nang itaas ito sa Alert Level 3. Patuloy rin ang pagdaloy ng lava at pyroclastic density currents (PDCs), kasabay ng mga rockfall events kung saan malalaking tipak ng lava ang bumabagsak mula sa tuktok ng bulkan patungo sa mga gulley.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.

Sa pinakahuling monitoring mula Marso 10–15, nakapagtala ang PHIVOLCS ng higit 150 volcanic earthquakes at apat na lava collapse events, na malinaw na indikasyon ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.

Nanatiling naka-alerto ang mga lokal na awtoridad sa Albay at handa ang mga evacuation centers sakaling lumala pa ang sitwasyon.