-- ADVERTISEMENT --

Nanumpa si Melvin Matibag bilang bagong direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Huwebes, Pebrero 20.

Papalit si Matibag kay Angelito Magno, na nagsilbing acting NBI chief matapos magbitiw si dating NBI director Jaime Santiago noong nakaraang taon.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na wala siyang ibinigay na detalye hinggil sa dahilan ng pagbabago sa pamunuan, gayundin kung kailan eksaktong magsisimulang manungkulan si Matibag.

Ayon kay Castro, nakita ng Pangulo na mapagkakatiwalaan si Matibag at may sapat na kakayahan upang gampanan ang tungkulin sa pamahalaan.

Si Matibag ay dating nagsilbing Cabinet secretary ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at naging secretary-general ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Nagbitiw siya sa partido noong Oktubre 2023. Nagsilbi rin siyang general manager ng Manila International Airport Authority at naging presidente at chief executive officer ng National Transmission Corporation.

Samantala, pinabulaanan ng Palasyo ang kumakalat na balita na papalitan si Ariel Nepomuceno bilang commissioner ng Bureau of Customs.

Ayon kay Castro, hindi umano totoo ang dokumentong kumakalat online at sasailalim ito sa imbestigasyon ng NBI upang matukoy kung saan nagmula ang sinasabing pekeng impormasyon.