Iniulat ng Department of Migrant Workers na patuloy na naaapektuhan ang hanapbuhay ng overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
Sa press briefing nitong Biyernes, Abril 17, kinumpirma ni Jainal Rasul Jr. na may mga OFW na tuluyang nawalan ng trabaho, habang ang iba naman ay pansamantalang natigil ang kanilang employment dahil sa sitwasyon sa rehiyon.
Bilang tugon, pinabilis ng ahensiya ang proseso para sa pag-avail ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng $200 o humigit-kumulang ₱12,100 mula sa AKSYON Fund. Upang makakuha nito, kailangang magsumite ang mga apektadong OFW ng request for assistance form, kopya ng pasaporte, at patunay ng kanilang overseas employment tulad ng kontrata, visa, o labor card.
Kailangan din ng dokumento na magpapatunay ng job loss o work disruption, gaya ng certification mula sa employer, payslip, notice of termination, visa cancellation (kung mayroon), self-declaration, o certification mula sa Filipino community.
Samantala, iniulat ni Hans Leo Cacdac na umabot na sa 6,706 ang kabuuang bilang ng mga na-repatriate. Sa bilang na ito, 5,023 ay mga OFW, 1,343 ang kanilang dependents, at 340 naman ay mga turista at iba pang overseas Filipinos.
Pinakamarami sa mga na-repatriate ay mula sa Dubai, kasunod ang mga galing sa Kuwait, Abu Dhabi, Qatar, Bahrain, Riyadh, Al Khobar, Israel, Jeddah, at Oman.
Ayon sa DMW, inaasahan pa ang pagdating ng mas maraming OFW mula sa Gitnang Silangan sa mga susunod na araw at sa darating na linggo habang nagpapatuloy ang repatriation efforts ng pamahalaan.












