-- ADVERTISEMENT --

Isang malakas na pagsabog ang ini-report pasado alas-4:30 ng hapon sa loob ng Cotabato City Central Pilot School sa Poblacion 6, Cotabato City, kung saan nagpapatuloy ang botohan para sa kauna-unahang Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.


Batay sa paunang impormasyon, agad na rumesponde sa lugar ang mga rescue vehicle at mga otoridad upang siyasatin ang pinagmulan ng malakas na pagsabog at tiyakin ang kalagayan ng mga botante at iba pang nasa loob ng polling center.


Hindi pa kumpirmado sa ngayon kung ano ang sanhi ng pagsabog, kung may nasugatan o kung may naging pinsala sa lugar. Isinasagawa pa ang beripikasyon ng mga awtoridad.


Ang insidenteng ito ay kasunod ng naitalang serye ng election-related security incidents sa Cotabato City bago at habang isinasagawa ang BARMM polls.

Ayon sa mga ulat, tatlong katao ang nasawi at 15 ang nasugatan sa pamamaril sa Bagua 2, Cotabato City, ilang oras bago nagsimula ang botohan. Dahil sa mga insidente ng karahasan, inilagay ng Comelec sa ilalim ng Comelec control ang Cotabato City.


Mayroon ding hiwalay na naitalang insidente ng pagsabog sa Cotabato City bago ang araw ng halalan, kung saan isang lalaki ang malubhang nasugatan matapos ang pagsabog malapit sa isang paaralan sa Mother Kalanganan. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang naturang insidente.


Samantala, ngayong Setyembre 14 isinasagawa ang unang regular na Parliamentary Elections ng BARMM, kung saan humigit-kumulang 2.4 milyong rehistradong botante ang inaasahang boboto para sa 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament.


Sa ngayon, patuloy na mino-monitor ng Bombo Radyo ang sitwasyon sa Cotabato City. Hinihintay ang opisyal na pahayag ng Cotabato City Police Office, Comelec at iba pang awtoridad hinggil sa ini-report na pagsabog sa Central Pilot School.