Naharang ng South Cotabato PNP ang tangkang pagpupuslit ng mahigit kalahating milyong halaga ng mga produktong tabako sa kahabaan ng Purok Bonifacio, Brgy. Panay, Sto. Niño, South Cotabato matapos ang pinaigting na Checkpoint Operation ng mga awtoridad sa lugar, nito lamang Sabado, Disyembre 21, 2024.
Ayon sa ulat, dakong 11:40 ng umaga ng maharang ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG) 12, 2nd South Cotabato Provincial Mobile Force Company (SCPMFC), South Cotabato Provincial Intelligence Unit (SCPIU), Regional Intelligence Division (RID) 12, at Sto. Niño Municipal Police Station ang isang Van na may lamang 490 reams ng San Diego American blend Cigarettes na may tinatayang halaga na Php537,000.
Hindi nakapagpakita ng katibayan o mga dokumento ang driver ng Van na kinilalang si alyas “Haron”, 31, walang asawa, at residente ng Brgy. New Passi Tacurong City Sultan Kudarat, ukol sa mga nakakargang mga 10 kahong naglalaman ng sigarilyo.
Sa ngayon ay kasalukuyan ng inihahanda ng awtoridad ang kasong isasampa laban sa naaresto.
Sa kabila nito, tiniyak ng South Cotabato PNP na mas lalo pa nilang hihigpitan ang kanilang pagbabantay sa kanilang nasasakupan upang sa gayon ay walang anumang kontrabando sa lugar ang makapasok.