-- ADVERTISEMENT --

Mabilis na nailikas ang mahigit 900 estudyante at 16 staff ng Tribhuvan Trishuli Secondary School sa Bidur, Nepal, ilang minuto bago rumagasa ang baha sa lugar noong Agosto 26.

Agad na pinahinto ni Headmaster Rajendra Dawadi ang klase matapos makatanggap ng babala tungkol sa paparating na baha. Pinauwi ang ilang estudyante kasama ang kanilang mga magulang, habang ang iba ay isinakay sa mga bus at dinala sa mas mataas na lugar.

Tinatayang 14 minuto lamang matapos simulan ang evacuation ay umabot na sa paaralan ang rumaragasang tubig at putik. Matapos makatawid ang huling bus sa bagong tulay, gumuho naman ang lumang tulay, na nagpapakita ng bilis at tindi ng pagbaha.

Sa kabila ng pagkakaligtas sa mga estudyante, lubhang naapektuhan ang paaralan. Para kay Dawadi, naging personal ang insidente dahil dito rin siya nag-aral bago naging guro at kalaunan ay naging headmaster.

Umaasa siyang muling maitatayo ang paaralan sa mas ligtas na lugar upang maipagpatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral.