-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagdadalamhati ngayon ang buong pamilya ng Sultan Kudarat State University–College of Criminal Justice Education (SKSU–CCJE) matapos pumanaw ang dalawa sa kanilang mga alumni sa isang malagim na aksidente sa Barangay Magon, Tantangan, South Cotabato.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joerhen Jade Losaria at Rhiam Jade Palomo, kapwa miyembro ng Sansiringan Batch 2024–2025 ng BS Criminology. Ayon sa ulat, magkasakay ang dalawa sa isang Yamaha NMAX na motorsiklo nang mangyari ang aksidente sa boundary ng Barangay Magon kahapon.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na sa lakas ng impact ng pagkakasalpok ng motorsiklo sa isang sasakyan, tumilapon ang dalawa at nagliyab pa ang motorsiklo matapos ang banggaan. Agad na binawian ng buhay ang magkasintahan dahil sa tindi ng pinsalang natamo.

Sa isang pahayag, ipinahayag ng SKSU–CCJE Family ang kanilang taos-pusong pakikiramay at labis na kalungkutan sa biglaang pagpanaw ng dalawa. Ayon sa kolehiyo, mananatiling buhay sa alaala ng kanilang mga kaklase at guro ang kabaitan, dedikasyon, at malasakit nina Losaria at Palomo.

Hangad ng buong pamantasan ang kanilang kapahingahan, at nawa’y matagpuan nila ang walang hanggang kapayapaan sa piling ng Maykapal.