-- ADVERTISEMENT --

Isang bata ang kumpirmadong nasawi habang patuloy pa ring pinaghahanap ang kanyang nakatatandang kapatid matapos tangayin ng rumaragasang baha sa bahagi ng Kabacan, North Cotabato.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, magkapatid ang mga biktima na parehong residente ng PCC Compound, Kabacan, Cotabato. Kinilala ang mga ito na sina alyas Johayrin, 4 na taong gulang, at ang nawawala pa niyang kapatid na si alyas Jackie, 6 na taong gulang.

Ayon sa ulat ng Kabacan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), naliligo umano ang magkapatid sa isang sapa nang bigla silang tangayin ng malakas na agos dulot ng matinding ulan at biglaang pagbaha.

Natagpuan ng mga residente ang katawan ni Johayrin sa gilid ng Kabacan River sa Barangay Aringay at agad siyang isinugod sa USM Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation ng MDRRMO-Kabacan at iba pang mga awtoridad upang matagpuan ang nawawala pang bata.

Nananatiling naka-alerto ang MDRRMO-Kabacan sa banta ng panibagong pagbaha bunsod ng patuloy na masamang panahon.