-- ADVERTISEMENT --

Magkasabay na nagtipon sa labas ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague ang dalawang magkaibang grupo nitong Lunes—ang mga kaanak ng mga nasawi sa war on drugs at ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte—kasabay ng pagsisimula ng confirmation of charges hearing laban sa kanya.

Sa kabila ng malamig na panahon, nagmartsa patungo sa ICC ang mga pamilya ng mga biktima at nagsagawa ng programa habang tinututukan sa livestream ang pagdinig. Iginiit nila na dapat kumpirmahin ang mga kaso at papanagutin hindi lamang si Duterte kundi pati ang iba pang umano’y sangkot sa extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Samantala, nagsagawa rin ng hiwalay na aktibidad ang kampo ng dating pangulo matapos makakuha ng kaukulang permit. May dala silang standee ni Duterte at nilinaw na hindi ito protesta kundi pagpapakita ng suporta. Umaasa ang grupo na ibabasura ng ICC ang mga akusasyon laban sa kanya.

Inaasahang magpapatuloy ang magkahiwalay na pagtitipon hanggang sa matapos ang pagdinig dakong alas-3:00 ng hapon, oras sa The Hague.