-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patay ang isang retiradong empleyado ng gobyerno habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos silang pagbabarilin habang nasa loob ng sasakyan ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek pasado alas-7:25 ng umaga ngayong Miyerkules, Agosto 13, sa Barangay Zone 2, lungsod ng Koronadal.

Kinilala ang nasawi na si Engr. Kesse Junsan, 64 anyos, retired government employee, habang ang sugatan ay ang kanyang misis na si Maria Lourdes Miguel Junsan, 60 anyos. Kapwa sila residente ng Purok Everlasting, Dona Soledad, Barangay Zone 2, Koronadal City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay umano ng isang Bajaj na motorsiklo ang dalawang suspek nang lapitan at paulanan ng bala ang mag-asawa. Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril patungo sa hindi matukoy na direksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Dindo Fernandez, isa sa mga residente ng lugar, sinabi nitong napakabilis ng pangyayari at halos hindi makilala ang mga suspek dahil kapwa nakasuot ng helmet.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen.

Inaalam din kung may CCTV footage sa lugar na makakatulong ng malaki sa pag-identify sa mga suspek.