-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Sugatan ang mag-ama matapos pagbabarilin sa Purok Maligaya, Brgy. Caloocan, Koronadal City noong Enero 1, 2026, bandang alas-7:00 ng gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa kay Alyas Marichu, ang mga biktima ay ang mag-ama nitong sina alias “Federico”, 47 taong gulang, tricycle driver at ang kanilang anak na si alias “John Mark”, 22 anyos, single, parehong residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Ginang Marichu, magkasama ang kaniyang mag-ama at ang suspek na si alias “Nonoy”, legal na edad at tricycle driver rin, sa kanilang bahay.

Habang nasa harap ng bahay nila ay naglalaro ang suspek ng firecrackers o “kwitis” kaya’t sinaway ito ng kanyang Mister na si Federico. Ngunit, nang pagbawalan ang suspek ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo.

Sa hindi inaasahang pangyayari, humugot ang suspek ng improvised firearm at binaril si Federico sa kaliwang bahagi ng baywang.

Sinubukan namang pigilan ng anak ni Fedircio na si John Mark ang kaguluhan ngunit binaril din siya sa kanang bahagi ng kamay.

Agad na dinala ang mag-ama sa South Cotabato Provincial Hospital upang mabigyan ng agarang lunas ang mga biktima.

Samantala, tumakas naman ang suspek matapos ang insidente.

Sa ngayon, patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek.