-- ADVERTISEMENT --

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang mag-ama matapos silang maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, kung saan nasamsam ang tinatayang P1 milyong halaga ng shabu.

Kinilala ang mga suspek na sina Noel Lembak Sulba, 55, at ang anak niyang si Esmael Diangkal Sulba, 22, kapwa residente ng Talitay, Maguindanao del Norte.

Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, direktor ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), nahuli ang mag-ama matapos bentahan ng 150 gramo ng shabu ang mga undercover police sa bahagi ng Sitio Gubat sa nasabing barangay.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang mag-ama, habang inihahanda na ang mga kaukulang kasong kriminal laban sa kanila kaugnay ng ilegal na droga.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga otoridad sa mga local executives at traditional Moro leaders na tumulong upang maging matagumpay ang operasyon.