Naging mitsa ng espekulasyon sa loob ng Senado ang pansamantalang pag-upo ni Senator Loren Legarda bilang presiding officer sa sesyon nitong Miyerkules.
Lalong umani ng atensiyon ang pangyayari nang tawagin ni Senator Migz Zubiri si Legarda bilang “Madame President” bago mag-adjourn ang sesyon.
Sa panayam ng mga mamamahayag, ipinaliwanag ni Zubiri na maaari umanong maging susunod na Pangulo ng Senado si Legarda.
Kasunod nito, kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III na may tangkang pagpapatalsik sa kaniya bilang pinuno ng mataas na kapulungan.
Ayon kay Sotto, napigilan niya, kasama ang isang majority group sa Senado, ang umano’y planong kudeta.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Sotto ukol sa nasabing usapin, kabilang na kung bakit nagbago ang pasya ng mga nagtangkang magpatalsik sa kaniya.













