Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa maagang pagpapasuri upang maagapan ang pagkalat ng sakit na tuberculosis (TB), kasabay ng pagdiriwang ng World TB Day.
Ayon sa datos mula sa Integrated Tuberculosis Information System ng Epidemiology Bureau noong Pebrero 16, 2026, nakapagtala ang Metro Manila ng 101,807 kaso ng TB. Bagamat patuloy na isa sa mga pangunahing sakit sa bansa ang TB, binigyang-diin ng DOH na maaari itong magamot, lalo na kung ito ay maagapan at na-detect sa maagang yugto.
Sa pahayag ni DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Lester Tan, sinabi nitong may mga serbisyong handa upang matulungan ang mga may TB at hindi ito dapat ikatakot o ikahiya. Hinikayat ng ahensiya ang mga indibidwal na nakakaranas ng mga sintomas tulad ng pag-ubo na tumatagal ng dalawang linggo o higit pa, pananakit ng dibdib, lagnat, panghihina, pagpapawis sa gabi, at hindi maipaliwanag na pangangayayat, na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.
Binigyang-diin ng DOH na libre ang mga serbisyo sa mga public health facilities, kabilang na ang diagnostic testing at kumpletong gamutan. Kasama na sa kanilang mga inisyatibo ang pagpapalakas ng TB screening sa mga komunidad, paaralan, at mga lugar ng trabaho. Pinaigting din ang mga interbensiyon para sa mga komunidad na kabilang sa high-risk populations at ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon upang labanan ang stigma at maling kaalaman ukol sa TB.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng DOH upang masugpo ang TB at matiyak na lahat ay may access sa tamang pangangalaga at impormasyon.












