Malubhang nasugatan ang mag-live-in partner matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Birada, Kidapawan City.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Val Caballes at Kristina Pargamento, kapwa residente ng Barangay Ilomavis sa nasabing lungsod.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Kidapawan City Police, magkaangkas ang dalawa sa kanilang topdown tricycle bandang alas-8 kagabi nang bigla silang harangin at pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects.
Tinamaan sa katawan ang live-in partner na si Pargamento, na agad isinugod sa pinakamalapit na ospital upang malapatan ng lunas.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad, at tinitingnan ang posibilidad na holdap ang motibo sa likod ng krimen, batay sa mga nakalap na paunang impormasyon.
Pinakikilos na rin ang mga intelligence units para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at mapanagot ang mga ito sa batas.