KORONADAL CITY – Nananawagan ng pagkakaisa sa lahat ng local government units (LGUs) si Governor Reynaldo Tamayo Jr., ang Presidente ng League of the Provinces of the Philippines (LPP), bunsod ng banta ng limitadong supply ng petrolyo sa bansa dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Tamayo, ang mas malaking suliranin sa ngayon ay hindi lamang ang presyo ng langis kundi ang kakulangan sa volume o supply. Ito ay epekto ng tensyon sa Strait of Hormuz na kontrolado ng Iranian Revolutionary Guard, na nagsisilbing pangunahing ruta ng petrolyo sa buong mundo.
Dahil dito, suportado ng LPP ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang 4-day work week sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Ayon sa Gobernador, epektibong paraan ito para makatipid sa elektrisidad at mabawasan ang konsumo ng krudo habang limitado pa ang suplay nito sa Pilipinas.
Sa antas ng lalawigan, nagsagawa na ng emergency meeting si Tamayo kasama ang mga lokal na opisyal upang maglatag ng mga kaukulang hakbang.
Mahigpit na ring binabantayan ng Local Price Monitoring Council ang presyo ng mga pangunahing bilihin (basic necessities and prime commodities) na posibleng maapektuhan ng krisis.
Tiniyak ng Gobernador na nakatutok ang pamahalaang panlalawigan sa paghahanap ng mga solusyon upang maibsan ang hirap na nararanasan ng mga apektadong sektor sa South Cotabato dahil sa krisis sa gasolina.













