Inambush at dinukot ng mga armadong kalalakihan ang isang kilalang lider ng Bagani o tribal warriors sa bahagi ng Arakan, Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Jonie Corbala alyas Kumander Ering, na tinambangan at sapilitang isinakay sa motorsiklo ng mga suspek habang pauwi sa kanilang lugar sa Brgy. Ganatan.
Batay sa inisyal na ulat, sakay ng kanyang motorsiklo si Corbala at binabaybay ang bahagi ng Purok 1-B, Brgy. Sto. Niño nang bigla siyang atakehin ng tatlong armadong lalaki.
Matapos ang pamamaril, agad siyang isinakay ng mga suspek sa isang itim na motorsiklo at mabilis na tumakas patungo sa Brgy. Tumanding.
Pagdating ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente, na-recover nila ang iniwang motorsiklo ni Corbala, pati na rin ang ilang basyo ng bala ng 5.56mm at 40mm. Ngunit kapansin-pansin na walang tama ng bala ang motorsiklo at walang bakas ng dugo sa lugar.
Si Corbala ay kilalang sangkot sa ilang kasong kriminal, kabilang ang murder at kidnapping, at isa sa mga itinuturong suspek sa pagpaslang kay Italian missionary Father Fausto “Pops” Tentorio.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang posibleng motibo at kung sino ang nasa likod ng pananambang at pagdukot sa lider ng tribu.