Inaasahang magpapadala ang Pentagon ng karagdagang libu-libong sundalo mula sa elite 82nd Airborne Division patungong Middle East, ayon sa mga ulat, kasunod ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Sinasabing nasa pagitan ng 3,000 hanggang 4,000 sundalo ang maaaring i-deploy upang palakasin ang presensya ng Amerika sa rehiyon, kahit na patuloy na ipinahayag ni U.S. President Donald Trump na bukas siya sa negosasyon sa Iran para sa tigil-putukan.
Hindi pa malinaw kung saan eksaktong ipapadala ang mga tropa, subalit ayon sa mga source, layunin nitong palawakin ang kakayahan ng U.S. para sa posibleng operasyon. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 50,000 na ang tropang Amerikano sa Middle East.
Nauna nang nagpadala ang U.S. ng karagdagang pwersa, kabilang ang mga Marines at mga warship gaya ng USS Boxer.
Sa kabila nito, patuloy ang mga opensiba ng U.S., na umano’y nakapagtala ng libo-libong target sa loob ng Iran. Sa pinakahuling datos, 13 sundalong Amerikano na ang nasawi at halos 300 ang sugatan.
Gayunpaman, nananatiling hamon para sa administrasyon ni Trump ang mababang suporta ng publiko sa kampanya laban sa Iran, ayon sa isang survey kung saan mas marami ang tutol kaysa sumusuporta sa naturang aksyong militar ng Amerika.













