-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Pumagitna na ang Lokal na Pamahalaan ng Lake Sebu sa umiigting na sigalot sa pagitan ng isang tribung katutubo at ng RD Company na pagmamay-ari umano ng dating General Santos City Mayor Ronnel Rivera, kaugnay ng isyu sa lupang kinatitirikan ng mga residente sa Isla Taad, Barangay Poblacion, Lake Sebu.


Pinangunahan ni Mayor Kent Fungan Jr. ang isinagawang pulong sa munisipyo upang pag-usapan at maresolba ang reklamo ng Pamilyang Talabang at iba pang apektadong residente na napaalis umano sa kanilang tinitirhan nang walang court order.

Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng RD Company, NCIP Lake Sebu, DILG, Barangay Council ng Poblacion, ilang opisyal ng LGU, at mga residente ng Isla Taad.

Batay sa ulat, magsasagawa ng survey ang RD Company upang muling matukoy ang eksaktong saklaw ng lupang nakasaad sa titulo.

Lumabas sa rekord na may pito (7) ang kabuuang lote sa titulo, ngunit anim (6) lamang dito ang nabili at nakarehistro sa pangalan ni Rivera.

Ang natitirang isang (1) lote na hindi nabili umano ang nadamay sa isinagawang demolisyon.

Sa panig ni Mayor Fungan, kanyang iginiit na hindi dapat ipinapaalis ang mga residente kung walang kautusan mula sa korte.

Dagdag pa niya, layunin ng pamahalaang lokal na mapag-ayos ang dalawang panig sa mapayapang paraan upang hindi na lumala ang tensyon at mapanatili ang kaayusan sa lugar.