KORONADAL CITY – Magbibigay ng reward money na nagkakahalaga ng P100,000 si Mayor Erlinda Araquil para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o ebidensya na magreresulta sa mabilis na pagkadakip sa suspek na bumaril sa isang retiradong sundalo sa Purok Marcos, Barangay Concepcion nitong May 1. Ito ang kinumpirma ni Mayor Erlinda Araquil sa panayam ng Bopombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Araquil, ang nasabing reward ang kanyang inilabas upang mas mabilis na mresolba ang krimen. Una rito, sa panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal, kinumpirma ni Kagawad Bobby Castillo na ang biktima ay si Rommel Aguillar, isang retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at residente ng Lutayan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Castillo, bandang alas-12:40 ng tanghali habang lulan ng kanyang tricycle ang biktima nang bigla itong pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo.
Sa kabila ng mga sugat, nagawa pang makahingi ng saklolo ng biktima sa isang kaibigan bago ito tuluyang naisugod sa ospital kung saan ito kasalukuyang ginagamot.
Ito na ang ikatlong insidente ng pamamaril na naitala sa lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Araquil.
Dahil dito, muling nanawagan ang alkalde ng pakikipagtulungan at kooperasyon mula sa publiko upang mapanatili ang peace and order sa Koronadal City.
Sa kasalukuyan, puspusan na ang isinasagawang manhunt operation ng Koronadal City PNP upang matunton at madakip ang tumakas na salarin.













