POLOMOLOK, SOUTH COTABATO – Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga awtoridad at pagtugis sa limang hinihinalang suspek na nagnakaw at tumangay ng tinatayang P35,000 cash mula sa isang lechonan sa Barangay Poblacion, pasado alas-8 ng umaga noong Hulyo 16, 2025.
Ayon sa ulat mula sa Polomolok Municipal Police Station, kasalukuyang naghahanda ang biktima na si alyas “Erwin”, 25 anyos, residente ng Brgy. Midsayap, Cotabato City, para sa ililitsong manok sa kanyang pwesto nang dumating ang limang lalaki at nagpanggap na bibili ng lechon manok.
Nagbayad umano ang isa sa mga suspek ng P1,000, dahilan upang pansamantalang lumayo si Erwin upang kumuha ng panukli. Ngunit pagbalik niya ay laking gulat niyang makita na nasa loob na ang mga lalaki, at mabilisang nagsialis nang siya ay dumating.
Nang suriin ang kahera, natuklasan niyang nawawala na ang pera mula sa cash box na tinatayang nasa P35,000, na kinita mula sa operasyon ng lechonan.
Sa ngayon, may mga tinutukoy nang persons of interest ang mga awtoridad at kasalukuyang inaantabayanan ang resulta ng CCTV footage at mga testimonya ng mga saksi upang tuluyang makilala at madakip ang mga salarin.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na agad iulat ang anumang impormasyon na makakatulong sa ikalulutas ng insidente.