KORONADAL CITY – Suportado ng League of Provinces of the Philippines o LPP ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin at kasuhan ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno na nang-abuso at kumita mula sa kaban ng bayan.
Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr., na siya ring Presidente ng LPP, nagkakaisa ang lahat ng mga gobernador sa bansa na suportahan ang adbokasiya ng Pangulo para sa transparency at mas pinaigting na laban kontra korapsyon.
Binigyang-diin ng gobernador na malinaw ang anomalya sa ilang flood control projects kung saan bilyong halaga ng pondo ang nawaldas dahil sa katiwalian.
Idinagdag pa nito na madalas din umanong dinaragdagan ng ilang kongresista ang pondo ng proyekto upang makakuha ng dagdag na pondo na nauuwi sa kickback.
Dagdag pa ng gobernador, ikinababahala rin ng Pangulo ang paulit-ulit na modus ng ilang politiko sa paglustay ng pera ng taumbayan sa pamamagitan ng mga ghost projects na hindi naman natutupad at hindi napapakinabangan ng mamamayan.
Kasabay nito, ipinahayag ni Governor Tamayo na bukas din ang LPP sa panukalang pagbuo ng isang independent body na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects upang matiyak na mapapanagot ang mga sangkot at mapoprotektahan ang pondo ng bayan.