Inaresto ng pulisya ang mag-asawa matapos silbihan ng writ of warrant of arrest ang lalaki at makitaan ang mga ito ng nasa higit P-6 milyong halaga ng droga sa loob ng kanilang sasakyan sa kahabaan ng Diversion Road, Corner Yusa Ville, Barangay Sinawal, General Santos City nito lamang ika-11 ng Disyembre 2024.
Kinilala ang naarestong mag-asawa na sina alyas “Kerven”, 43, businessman, may nakabinbin na arrest warrant para sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; at si alyas “Luci”, 44, na kapwa residente ng Barangay Glamang Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay Police Major Carl Jayson D Baynosa, Station Commander ng General Santos City Police Office-Police Station 2 (GSCPO-PS 2), nang isinilbi ang arrest warrant laban kay Kerven nakita ng pulisya sa loob ng sasakyan nito ang isang airsoft rifle na may kasamang magazine (replica), isang malaking transparent plastic cellophane na naglalamang ng pinaniniwalaang shabu na 990 gramo ang bigat na may standard drug price na Php6,732,000, apat na piraso ng glass tooter, 140 piraso ng glass tube, dalawang yunit ng keypad phone at isang wallet na may lamang Php1,500, at mga Identification card (ID).
Kasama ng suspek ang kanyang may bahay kaya kasama rin itong dinakip ng mga tauhan ng GSCPO-PS2, PDEA 12, City Intelligence Unit-GSCPO at PNP Drug Enforcement Group.
Sinaksihan naman ng Barangay Official at media practitioner ang ginawang pag-imbentaryo ng awtoridad sa mga nakumpiskang kontrabado.
Kasabay sa pagkakaaresto ng mag-asawa ay agad ding ipinaalam sakanila ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.
Dahil rito, mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 (Comprehensive Firearms and ammunition Regulation Act).