Nasawi ang 24-anyos na si Jayson matapos barilin ng kanyang dating kasintahan na lalaki sa Barangay 4, Lucena City, Quezon, noong Huwebes ng umaga, Marso 5, ayon sa pulisya.
Ayon sa paunang imbestigasyon, pumunta si Jayson sa isang tindahan na pag-aari ng bayaw ng suspek upang isauli ang mga damit na hiniram mula sa 30-anyos na suspek.
Doon nagkaroon ng alitan na nauwi sa pamamaril. Binunot ng suspek ang baril at pinaputukan si Jayson mula sa likod bago tumakas patungong Barangay Gulang-Gulang dala ang armas.
Namatay si Jayson sa mismong lugar, habang patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Ayon kay PCPT Philipp Hernandez, chief investigator ng Lucena City Police Station, posibleng isang “crime of passion” ang motibo ng pamamaril.
Napag-alaman mula sa mga mensahe ng suspek at testimonya ng mga saksi na broken ang relasyon nila at ito ang sanhi ng pagkabahala ng suspek. Nabatid din na galit ang suspek matapos ang pamamaril bago lisanin ang tindahan.
Patuloy na sinusubaybayan ng pulisya ang mga CCTV footage upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek matapos ang insidente.













