-- ADVERTISEMENT --

Patay ang isang lalaki habang matagumpay namang nasagip ng mga awtoridad ang isang anim na taong gulang na batang babae sa isang insidente ng hostage-taking sa Barangay Sabala Manao Proper, Marawi City, kaninang umaga, araw ng linggo, Disyembre 21, 2025.

Patuloy pang kinikilala ang identity ng suspek na tinatayang 28 anyos at umano’y nasa impluwensiya ng ilegal na droga. Batay sa paunang imbestigasyon, habang naglalakad ang bata, bigla itong sinunggaban ng suspek na armado ng cleaver knife at inagaw ang hawak nitong ₱500 bago tuluyang bihagin at tutukan ng patalim.

Ilang community leaders ang nakiusap sa suspek na pakawalan ang bata, subalit hindi ito tumalab. Isang pulis mula sa Molundo Municipal Police Station ang agad rumesponde sa insidente. Nang idiin umano ng suspek ang matalim na bahagi ng hawak nitong patalim sa leeg ng biktima, napilitan ang rumespondeng pulis na barilin ang suspek, na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.

Agad namang isinugod ang bata sa Amai Pakpak Medical Center kung saan idineklara itong nasa ligtas na kalagayan ng mga doktor, bagama’t nagtamo ng ilang sugat.