-- ADVERTISEMENT --

Natagpuang wala nang buhay at may tama ng bala ang katawan ng isang lalaki sa damuhang bahagi ng Purok Mansanitas, Barangay Saguing, Makilala, Cotabato, pasado alas-6 ng umaga kahapon, Agosto 22, 2025.

Sa pamamagitan ng panawagan sa social media at radyo, nakilala ang biktima na si John Mark Cabanlas, nasa legal na edad, walang trabaho, at residente dati ng Madrid Subdivision, Poblacion, Kidapawan City. Kinilala siya batay sa mga tattoo sa kanyang kanang binti at likuran.

Ayon sa ulat, si Cabanlas ay walang permanenteng tirahan at nakikitira lamang sa mga kaibigan matapos mamatay ang kanyang mga magulang. Natagpuan siyang may mga sugat sa ulo, tiyan at likod. Gayunman, hindi pa tiyak ng mga awtoridad kung mga tama ng bala ang dahilan ng mga sugat. Patuloy pang isinasagawa ang post-mortem examination upang makumpirma ito.

Batay sa pahayag ni PCMS Richie Gesulga, tagapagsalita ng Makilala PNP, posibleng sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon na lamang sa nasabing bahagi ng Barangay Saguing. Gayunpaman, sinabi ng ilang residente na nakarinig sila ng tatlo hanggang apat na putok ng baril bandang alas-11:30 ng gabi, ngunit hindi nila ito pinansin. Kinaumagahan na lamang nila nadiskubre ang bangkay.

Dagdag pa ni Gesulga, nasangkot si Cabanlas noong 2020 sa kasong attempted murder matapos umanong manaksak sa Marasigan Building, Poblacion, Kidapawan City.

Samantala, pinabulaanan ng Makilala PNP ang alegasyong hindi sila agad rumesponde sa insidente. Nilinaw ni Gesulga na umaga na nang maiulat ng mga residente ang pagkakadiskubre sa bangkay, kaya’t noon lamang sila nakapagsagawa ng imbestigasyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang alamin ang motibo at matukoy ang mga nasa likod ng krimen.