Nilinaw ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi pa siya ang vice chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee dahil hindi pa tapos ang reorganisasyon at pormal na halalan ng mga miyembro ng komite sa Senado.
Ayon kay Lacson, bukas siyang sumali bilang miyembro ng komite ngunit tatanggihan niya ang posisyon bilang vice chair sakaling ialok ito sa kanya.
“Kung mag-member ako, papayag ako. Pero vice, di ako papayag,” ani Lacson.
Giit pa niya, inaasahan na rin niyang magkakaroon ng hindi pagkakasundo sa ilang miyembro ng mayorya, lalo na’t wala umanong lumagda mula sa kanila sa naunang partial report ng Blue Ribbon Committee.
Binigyang-diin din ng senador na handa siyang harapin ang anumang batikos sa pagsisiyasat, kahit pa mauwi ito sa pagkakaroon ng bagong kalaban sa politika.
“Pag nag-chair ka ng Blue Ribbon, nakahanda ka dapat magkaroon ng bagong kaaway at mawalan ng kaibigan,” dagdag niya.
Pinabulaanan din ni Lacson ang mga paratang na pinoprotektahan niya si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isyu sa flood control scam, at iginiit na wala siyang personal na ugnayan dito.
Sa kasalukuyan, si Senator Pia Cayetano ang nakaupong chairperson ng Blue Ribbon Committee, ngunit wala pang inilalabas na opisyal na hakbang ang komite hinggil sa imbestigasyon ng umano’y flood control scam.
Sa gitna ng mga kontrobersiyang kinahaharap ng Senado, nagpahayag din si Lacson ng pagkadismaya sa sitwasyon habang naghahanda ang kapulungan bilang impeachment court para kay Vice President Sara Duterte, at nanawagan na maibalik ang kredibilidad at tiwala ng publiko sa institusyon.













