TACURONG CITY – Patay ang isang suspek matapos manlaban sa mga otoridad sa isinagawang hot pursuit operation kaugnay ng insidente ng carnapping sa Tacurong City, Sultan Kudarat kagabi, Setyembre 7, 2025.
Ayon sa Tacurong PNP, bandang alas-11:12 ng gabi habang binabagtas ng biktima , isang 23-anyos na laborer mula Brgy. Tina, Tacurong City, ang kahabaan ng Purok Liwliwa, Brgy. San Emmanuel, dalawang lalaki ang sumulpot at sumabay sa kanyang motorsiklo.
Tinutukan umano ng baril ang biktima kaya napilitan itong ihinto ang kanyang minamanehong black/red Kawasaki CT100 na may plakang 364 MOM, na agad na tinangay ng mga suspek patungong Doña Alicia Avenue.
Mabilis na rumesponde ang Tacurong PNP at nagsagawa ng dragnet at hot pursuit operation.
Sa kanilang pagtugis, namataan ang isa sa mga suspek patungong Brgy. Buenaflor. Ngunit sa halip na sumuko, bumunot ito ng baril at nagpaputok laban sa mga operatiba, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis.
Tinamaan ang suspek at agad dinaluhan ng CDRRMC personnel, ngunit idineklarang wala nang buhay.
Sa ngayon, patuloy ang operasyon ng pulisya upang tugisin ang isa pang suspek na sangkot sa naturang carnapping.