Naging mainit ang talakayan sa Kamara de Representantes tungkol sa panukalang siyasatin ang buong pinansyal na kalagayan ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang posibilidad na maglabas ng subpoena para sa mga negosyo at law firm na konektado sa kanya.
Layunin ng panukala na suriin ang yaman ng Pangalawang Pangulo mula nang magsimula siyang maglingkod bilang bise alkalde noong 2007 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Terry Ridon ng Bicol Saro Partylist, na siyang nagmumungkahi ng mosyon, saklaw ng imbestigasyon ang mga kumpanyang nakalista sa 2023 at 2024 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente, kabilang ang Geometry, Security, Anyanan Shores, at Cable Tow.
Umalma naman si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, na tinawag ang hakbang bilang isang “fishing expedition.” Ipinunto niya ang posibleng paglabag sa attorney-client privilege kung padadalhan ng subpoena ang isang law firm.
Bilang tugon, nilinaw ni Ridon na hindi kasama sa imbestigasyon ang mga pribadong pag-uusap o kaso ng mga kliyente ng law firm. Aniya, tanging mga dokumentong isinampa sa Securities and Exchange Commission (SEC) tulad ng audited financial statements at general information sheets ang hihingin ng komite upang masuri ang pinansyal na kalagayan.
Dagdag pa niya, mahalaga ang mga dokumentong ito upang mapatunayan ang paglobo ng net worth ng bise presidente, na kadalasan ay ipinapaliwanag ng kanyang mga tagasuporta bilang kita mula sa mga nabanggit na negosyo at law firm.













