-- ADVERTISEMENT --

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na naglalayong ipatigil ang bagong garbage collection fees para sa mga negosyo sa Lungsod ng Maynila dahil sa kakulangan ng legal standing at paglabag sa hierarchy of courts.

Pinawalang-bisa ng SC En Banc ang reklamo ni John Barry Tayam, na nagnais na pigilan ang Ordinansa Blg. 9151 ng lokal na gobyerno, na nagtaas ng higit 1,000% sa bayad ng mga negosyante kumpara sa nakaraang taon.

Nilinaw ng Korte Suprema na wala sa tamang legal standing si Tayam upang maghain ng reklamo, dahil isa siyang residente ng Las Piñas at wala namang negosyo sa Maynila na apektado ng ordinansa.

Tinanggihan din ng SC ang argumento ni Tayam bilang taxpayer at concern citizen, dahil ang ordinansa ay itinuturing na regulatory measure at hindi isang buwis o revenue measure, kaya’t walang direktang epekto sa mga nagreklamo.

Idinagdag ng Korte na nilabag ng petisyon ang doktrina ng hierarchy of courts, na nangangahulugang ang kaso ay dapat dumaan muna sa mga mas mababang korte bago makarating sa pinakamataas na hukuman.