Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente ng pamamaril na ikinasawi ng beteranong radio commentator na si Erwin “Boy Pana” Segovia sa Barangay Mangagoy, Bislig City.
Batay sa inisyal na ulat, tinambangan si Segovia ilang minuto matapos niyang matapos ang kanyang live radio program na “DIRITSAHAN” sa 98.1 Barangay Radio. Habang pauwi, pinagbabaril siya ng hindi pa nakikilalang salarin at agad na binawian ng buhay sa pinangyarihan ng krimen.
Lumabas sa social media post ng isang kaibigan ng biktima na ito na ang ikalawang beses na tinangkang ipatumba si Segovia. Noong 2006, nakaligtas siya matapos barilin sa bahagi ng katawan at kalauna’y lumipat sa Kiamba, Sarangani Province. Sa kabila ng naunang insidente, pinili pa rin ni Segovia na ipagpatuloy ang kanyang karera sa radyo.
Mariing kinondena ng Philippine Campus Media Alliance (PCMA) ang karumal-dumal na pagpaslang at itinuring ito bilang isang banta sa kalayaan sa pamamahayag at malayang pagpapahayag.
Kasunod nito, nagpahayag din ng pagkondena ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at nangakong tututukan ang kaso sa pakikipagtulungan sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang hustisya sa pagkamatay ng mamamahayag.
Patuloy ang panawagan mula sa iba’t ibang media groups at tagapagtanggol ng press freedom para sa mas maigting na proteksyon sa mga mamamahayag, at agarang pagkilos ng mga kinauukulan upang mapanagot ang nasa likod ng krimen.