KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa likod ng pamamaril sa isang empleyado ng Home Credit na naganap nitong Huwebes ng umaga, March 19, sa Sitio Palakasam, Purok 7, Brgy. Palkan, Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ng Polomolok PNP ang biktima na si Ricky Tucal Binuya, 51-anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, lulan ang biktima ng kanyang Kawasaki Black Bajaj na motorsiklo (plate number 338MPD) nang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin pasado alas-9:30 ng umaga.
Agad na binawian ng buhay ang biktima matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa isinagawang pagsisiyasat sa crime scene, narekober ng mga pulis ang mga basyo at slug mula sa hinihinalang .45 caliber na baril, pati na rin ang motorsiklo at dalawang cellphone na pagmamay-ari ng biktima.
Sa kasalukuyan, ang labi ni Binuya ay dinala na sa St. Peter Funeral Homes sa General Santos City para sa nakatakdang post-mortem examination habang patuloy ang pangangalap ng impormasyon para sa ikalulutas ng kaso.













