-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpatupad ng suspension of classes ang ilang lokal na pamahalaan sa Rehiyon Dose o SOCCSKSARGEN dahil sa masamang panahong dulot ng Bagyong Tino, na patuloy na nagdadala ng malalakas na pag-ulan at hangin sa malaking bahagi ng Mindanao. Unang nagdeklara ng class suspension ang buong lalawigan ng Sultan Kudarat sa bisa ng Executive Order No. 81, Series of 2025, na nilagdaan ni Governor Datu Pax Ali Mangudadatu.

Batay sa kautusan, suspendido ang klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado, ngayong Nobyembre 4, 2025, bilang paghahanda sa inaasahang masamang epekto ng Bagyong Tino. Sa South Cotabato, ipinatupad din ang kanselasyon ng pasok sa lahat ng antas sa mga bayan ng Polomolok, Tampakan, Banga, Lake Sebu, at Tboli (localized suspension).

Ayon sa mga lokal na opisyal, hakbang ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang pag-ulan at nananatiling mataas ang panganib ng pagguho ng lupa. Sa lalawigan ng Cotabato Province (North Cotabato), kinumpirma ni OCD-12 Spokesperson Jorie Mae Balmediano ang suspensyon ng klase sa mga bayan ng Aleosan, Midsayap, Libungan, Pikit, Carmen, Kabacan, Antipas, Pigcawayan, Matalam, Alamada, Pres. Roxas, at Arakan.

Hindi rin nakaligtas sa epekto ng sama ng panahon ang Sarangani Province, kung saan idineklarang suspendido ang klase sa bayan ng Maitum bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan at banta ng pagbaha.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, nanawagan si Balmediano sa publiko na manatiling alerto at patuloy na mag-monitor sa mga abiso ng PAGASA at kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMO).

Pinayuhan din niya ang mga residente sa mga flood at landslide-prone areas na maging handa sa posibleng preemptive evacuation sakaling ipag-utos ng lokal na pamahalaan.