-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni Atty. Nicholas Kaufman, lead defense counsel ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga alegasyong tumatanggap siya ng malaking bayad kapalit ng pagdepensa sa dating lider.

Sa panayam sa labas ng Scheveningen Prison sa The Hague, iginiit ng abogado na hindi siya binabayaran ng “bags-bags ng pera.” Aniya, kung totoo ito, hindi sana siya nagbibisikleta lamang at sa halip ay gumagamit ng mamahaling sasakyan tulad ng Mercedes o Bentley.

Binigyang-diin din ng British-Israeli lawyer na hindi siya tumanggap ng malaking halaga kahit pa naging bahagi siya ng mga high-profile cases sa International Criminal Court, kabilang ang pagdepensa kay Jean-Pierre Bemba, dating bise presidente ng Congo, at kay Maxime Mokom, dating opisyal ng Central African Republic.

Ayon pa kay Kaufman, isa lamang siyang simpleng tao. Madalas siyang makitang nagbibisikleta papunta sa detention facility, at napapansin din na iisa lamang ang kanyang kasuotan sa mga nakalipas na araw. Paliwanag niya, hindi siya makauwi sa Israel upang kumuha ng personal na gamit dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa kanilang bansa.

Dagdag pa rito, kabilang siya sa mga pasaherong patungong United Arab Emirates na na-stranded sa The Hague matapos kanselahin ang mga biyahe papunta at mula sa Gitnang Silangan bunsod ng nagpapatuloy na air strikes noong nakaraang weekend.