Habang papalapit ang halalan at may ilang personalidad na naghahanda nang tumakbo sa 2028 elections, iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ang katiwalian pa rin ang pinakamalaking hamon sa sinumang nagnanais mamuno sa bansa.
Ayon kay Lacson, bago matapos ang kaniyang panunungkulan sa pamahalaan sa Hunyo 2031, ang tanging hangad niya ay manaig ang tama at makabubuti para sa bansa sa mga susunod na dekada. Naniniwala aniya siya na ang korapsyon ang pangunahing balakid sa pagkamit ng tunay na kaunlarang pang-ekonomiya at pag-unlad na nararapat para sa mga Pilipino.
Inihayag ni Lacson ang pahayag kasunod ng anunsyo ni Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Pebrero 18, hinggil sa kaniyang intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Sa kabila nito, sinabi ng senador na may karapatan ang bawat Pilipinong kwalipikado sa ilalim ng Konstitusyon na kumandidato sa anumang halal na posisyon. Dagdag pa niya, tiyak na may sariling dahilan ang Bise Presidente at ang kaniyang mga tagapayo sa maagang pagdedeklara ng kandidatura.
Gayunman, mabuting hangarin at good luck ang tanging maibibigay ni Lacson kay Duterte at sa iba pang magpapasyang tumakbo upang pamunuan ang Pilipinas.













