-- ADVERTISEMENT --

Emosyonal na ibinahagi ng kapatid ng sundalong nasawi sa naganap na engkwentro sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur ang katapangan at kabutihan ng kanyang kuya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jerlyn, kapatid ni Corporal Junie Mangalay Jr., sinabi niyang saludo siya sa ipinakitang tapang at kabutihang-loob ng kanyang kuya, na sa kabila ng panganib ay nagawa pang iligtas ang kanyang kasamahan sa gitna ng engkwentro laban sa Dawlah Islamiyah–Hassan Group.

Ayon kay Jerlyn, bagama’t hindi masyadong expressive ang kanyang kuya, hindi ito nagkulang sa pagpaparamdam ng pagmamahal at malasakit sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta sa kanila.

Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa Philippine Army sa paggabay at pagsuporta sa kanyang kuya sa buong panahon ng kanyang paglilingkod sa bayan.

Samantala, nanawagan si Jerlyn kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang pansin at suriin ang kalagayan ng mga sundalo sa buong bansa, lalo na ang mga naka-deploy sa Mindanao.